Executive ng Rebisco, patay sa ambush
MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang executive officer ng isang kompanya ng biscuit ng hindi pa nakikilalang suspek kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Caloocan.
Dead-on-the-spot sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Carlo Esmundo, 25, executive officer ng Rebisco Incorporated at residente ng Whisky St., Miranda Subdivision, Llano ng lungsod na ito.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa hindi pa nakikilalang suspek.
Batay sa inisyal na ulat ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-11:10 ng gabi sa kahabaan ng Llano Road ng nabanggit na lugar.
Minamaneho ng biktima ang kanyang Toyota Revo (XNX-258) at pagsapit ng naturang lugar ay pina ulanan na ito ng bala ng mga suspek.
Isinantabi naman ang anggulo ng holdap dahil hindi naman tinangay ng mga suspek ang perang dala ng biktima na nagkakahalaga ng P200,000 at mga gamit nito.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso para mabatid ang tunay na motibo sa pamamaslang.
- Latest
- Trending