Gotesco nabawi na ng Caloocan government
MANILA, Philippines - “Tao ang panalo sa pagkakakuha ng Gotesco Grand Central Mall.”
Ito ang inihayag ni Caloocan City Mayor Recom Echiverri matapos pormal na i-turn over ng Caloocan City Regional Trial Court-Branch 126 ang naturang mall sa pamunuan ng siyudad.
Ayon kay Echiverri, ang makokolektang buwis o kikitain ng lungsod sa naturang mall ay siyang gagamitin ng pamahalaang lungsod para sa pagpapagawa ng mga proyekto ng siyudad tulad ng mga eskwelahan at kalsada at sa pagbibigay ng mga basic services sa mamamayan ng Caloocan.
“Dapat noon pa nakinabang ang Caloocan sa naturang mall dahil matagal na rin sila rito pero dahil sa pinabayaan ito kaya’t tayo na lamang ang naghabol,” anang alkalde.
Sinabi pa ni Echiverri na nakahanda siya sa mga ibabatong paninira ng pamunuan ng Gotesco Grand Central dahil ang importante sa kanya ay makikinabang na ang taga-Caloocan.
Nilinaw rin ni Echiverri, na ang talagang isyu rito ay ang hindi pagbabayad ng realty tax ng Gotesco Grand Central na umabot sa P722.3 milyon kaya’t nagulat na lamang siya sa mga mapanirang pahayag buhat sa mga abogado ng naturang kompanya.
Sinabi pa ng alkalde na “business as usual” na sa Gotesco kaya’t walang dapat ikabahala ang mga nangungupahan dito.
“Tuloy ang kanilang hanapbuhay hindi gaya ng pinalalabas ng mga abogado ng Grand Central na matatanggal sila sa pwesto,” giit pa ni Mayor Recom.
Pinayuhan na lamang ni Mayor Echiverri ang mga nangungupahan dito na agad makipag-ugnayan sa city hall upang maipahayag nila na sila’y interesado na umupa sa pwesto sa naturang mall.
Nilinaw din ni Echiverri na ang sinasabing P30 milyon na ibinayad ng Gotesco ay utang sa lupa at hindi sa mga atraso nito sa real property tax ng 23 taon. Buo naman ang paniniwala ng mga taga-Caloocan na nasa mabuting kamay ang lungsod dahil sa ipinakitang political will ni Echiverri kahit malaki pang negosyante ang nakabangga nito.
- Latest
- Trending