MANILA, Philippines - Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 60-anyos na puganteng Amerikano na mayroon kasong drug trafficking sa Hawaii.
Kinilala ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan ang pugante na si Rizal Balgos na kasalukuyang nakapiit sa BI detention center sa Bicutan matapos na magtago dito sa Pilipinas ng halos dalawang taon.
Si Balgos ay naaresto noong Marso 6 ng mga operatiba ng BI law enforcement division sa harap ng kanyang bahay sa Brgy. Macate, Bambang Nueva Ecija. Naaresto ang suspek sa bisa ng mission order ni Libanan dahil na rin sa kahilingan ng US embassy sa Maynila.Kaagad namang ipapatapon pabalik sa kanilang bansa ang pugante upang harapin ang kanyang kasong kriminal.
Sinabi naman ni BI Associate Commissioner Enrique Galang, si Balgos ay mayroong arrest warrant mula sa US District Court sa Hawaii noong 2007 dahil sa narcotics distribution. Bukod dito si Balgos ay sangkot din umano sa corruption kasabwat ang mga opisyal ng Kauai police department na umanoy protektor nito sa kanyang drug dealing activities.
Lumalabas din sa record ng BI na si Balgos ay overstaying alien simula ng dumating ito sa bansa noong August 20, 2006, bukod dito kinansela na rin ng pasaporte nito ng US government. (Gemma Amargo-Garcia)