MANILA, Philippines - Patay ang isa sa dalawang holdaper makaraang makipag-agawan ito ng baril habang inaaresto ng isang pulis-probinsiya, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Kinilala ang nasawing suspect sa pangalang Eric Lucero base na rin sa sedula na nakuha sa pitaka nito.
Ang suspect ay hindi na umabot pa ng buhay sa San Juan de Dios Hospital bunga ng isang tama ng bala sa kaliwang bahagi ng kaniyang panga na tumagos sa ulo.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang maganap ang naturang insidente sa kahabaan ng EDSA/Taft Avenue, Pasay City.
Ayon sa pahayag nina Ilyne Evee Quidep, 22, estudyante at Pedro Tenedero, 24, estudyante, paakyat na sila ng pampasaherong bus nang sumabay sa kanila ang dalawang hinihinalang holdaper. Habang tumatakbo ang sasakyan, ay biglang nagpahayag ng holdap ang mga suspect na kapwa armado ng patalim at sapilitang kinuha ang mga cellphone at personal na kagamitan ng mga pasahero.
Matapos maisakatuparan ang kanilang pakay at pababa na ng bus ang dalawang suspect ay palihim na bumaba rin ang pasaherong si PO1 Joel Canabong, 26, nakatalaga sa Headquaters ng 419th Rizal Provincial Police Mobile Group at tinangkang hulihin ang mga una. Habang nakatutok ang baril at nagpapakilalang pulis si Canabong ay nagawa namang makatakas ng isa sa mga suspect, habang isang kasamahan naman nito ay tinangkang agawin ang baril ng naturang alagad ng batas.Sa pakikipag-agawan ay biglang pumutok ang baril ni Canabong at tumama sa panga ng suspect dahilan upang agad itong duguang tumimbuwang.
Tinangka namang dalhin ni Canabong sa nabanggit na pagamutan ang duguang suspect subalit minalas na hindi na ito umabot pa ng buhay. Nakuha sa pag-iingat ng nasawi ang tatlong iba’t ibang modelo ng cellphone, tatlong t-shirts na hinihinalang ginagawang pamalit ng mga ito sa kanilang suot na t-shirt matapos ang panghoholdap upang lituhin ang awtoridad, at iba’t ibang personal na kagamitan ng mga pasahero. (Rose Tamayo-Tesoro)