2 timbog sa paggawa ng mga pekeng pera
Dff alawang lalaki ang dinakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos mahulihan ng milyong halaga ng pekeng P500 at P1,000 bills at mga parapehrnalias sa paggawa nito, sa isang pagsalakay sa Pasay City, iniulat kahapon.
Bunga nito, nagbabala si NBI Director Nestor Mantaring na posibleng marami nang ipinakalat ang mga suspect na pinaniniwalaang malaking sindikato sa pamemeke ng pera at nabunyag din na sa kanila umoorder ang isang pulitiko para gamitin sa nalalapit na eleksyon.
Iniharap sa mamamahayag kahapon ni NBI Director Nestor Mantaring ang mga suspect na sina Armando Baloyo Tiauson, alyas “Arman” at Fulgencio Gonzaga Panado, alyas “Paul”, kapwa residente ng Room 603, 6th floor, Belton Tower, 25 Perla St., F.B Harrison, Pasay City.
Isa pang suspect na kinilalang si Ben Zalsos, umano’y nagbabayad ng renta sa Room 603 Belton Tower ang tinutugis sa paniniwala ng awtoridad na ito ang utak ng sindikato.
Ayon sa ulat, Marso 2, 2009 ay may nakalap na impormasyon ang NBI hinggil sa iligal na paggawa at pagpapakalat ng pera ng mga suspect. Ginamit ng NBI ang kanilang impormante para sa pagbili ng dalawang pirasong P1,000 bills mula sa imprentahan ng mga suspect sa Room 603, Belton Tower upang maiberipika ang impormasyon. Kaagad ipinasuri sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang nasabing peso bills at matapos makumpirmang peke, agad nagsagawa ng surveilance operation kasunod ang pagsalakay kamakalawa ng gabi na dito nasamsam sa mga suspects ang may 1,114 pirasong P1,000 bills, mga P500 bills at kumpletong paraphernalias sa paggawa ng pekeng pera..
Aminado umano si Tiauson na inutusan sila ni Zalsos na mag-imprenta ng mga pekeng pera sa halagang P5 milyon dahil inorder umano ito ng isang Congressman mula sa Samar na sasabak ngayong 2010 elections. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending