18 taxi inimpound; nadiskubreng gumagamit ng ilegal na plaka

MANILA, Philippines - Nadiskubre ngayon ng Que­zon City Police District (QCPD) ang iligal na pagka­kabit ng isang kompanya ng taxi sa kanilang mga units ng plaka na buhat sa ibang sa­sakyan ma­tapos na ma-impound ang nasa 18 taxi ngayong linggo.

Sinabi ni QCPD Deputy Di­rector for Operations, Sr. Supt. Federico Laciste Jr. na na­diskubre nila ito nang ma­sabat ng mga tauhan ng Quezon City Traffic Enforce­ment Unit ang isang unit ng KASAI taxi nitong Marso 11. Dito nakita na hindi mag­ka­tugma ang nakakabit na plaka sa modelo ng kotse.

Sa berepikasyon sa Land Transportation Office (LTO), na­kumpirma na nagmula sa ibang sasakyan ang naturang plaka na ikinabit sa nasabat na taxi. Dito na ipinag-utos ni Laciste ang pagsasagawa ng dragnet operation sa QCPD Anti-Car­napping at Traffic Enforcement units sa lahat ng KASAI taxi sa mga kalsada ng Quezon City kung saan nasabat ang dagdag pang 17 units.

Sa 18, nadiskubre na 14 sa mga ito ay kinabitan ng hindi tug­mang plaka na buhat sa ibang sasakyan na posible uma­nong kinarnap o “ki­nahoy” na.

Kasalukuyang naka-im­pound ang naturang mga taxi sa parking area ng Camp Karingal habang nagsasa­gawa ngayon ng masusing berepikasyon ang pulisya upang mabatid kung sangkot sa iba pang mga krimen ang naturang mga units tulad ng “Ipit-Taxi, hit and run” at iba pa.

Nakikipagkoordinasyon na­man ngayon ang QCPD sa pamunuan ng KASAI taxi ngunit sinabi ni Laciste na wala pang lumulutang na may-ari ng mga taxi. (Danilo Garcia)

Show comments