18 taxi inimpound; nadiskubreng gumagamit ng ilegal na plaka
MANILA, Philippines - Nadiskubre ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang iligal na pagkakabit ng isang kompanya ng taxi sa kanilang mga units ng plaka na buhat sa ibang sasakyan matapos na ma-impound ang nasa 18 taxi ngayong linggo.
Sinabi ni QCPD Deputy Director for Operations, Sr. Supt. Federico Laciste Jr. na nadiskubre nila ito nang masabat ng mga tauhan ng Quezon City Traffic Enforcement Unit ang isang unit ng KASAI taxi nitong Marso 11. Dito nakita na hindi magkatugma ang nakakabit na plaka sa modelo ng kotse.
Sa berepikasyon sa Land Transportation Office (LTO), nakumpirma na nagmula sa ibang sasakyan ang naturang plaka na ikinabit sa nasabat na taxi. Dito na ipinag-utos ni Laciste ang pagsasagawa ng dragnet operation sa QCPD Anti-Carnapping at Traffic Enforcement units sa lahat ng KASAI taxi sa mga kalsada ng Quezon City kung saan nasabat ang dagdag pang 17 units.
Sa 18, nadiskubre na 14 sa mga ito ay kinabitan ng hindi tugmang plaka na buhat sa ibang sasakyan na posible umanong kinarnap o “kinahoy” na.
Kasalukuyang naka-impound ang naturang mga taxi sa parking area ng Camp Karingal habang nagsasagawa ngayon ng masusing berepikasyon ang pulisya upang mabatid kung sangkot sa iba pang mga krimen ang naturang mga units tulad ng “Ipit-Taxi, hit and run” at iba pa.
Nakikipagkoordinasyon naman ngayon ang QCPD sa pamunuan ng KASAI taxi ngunit sinabi ni Laciste na wala pang lumulutang na may-ari ng mga taxi. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending