MANILA, Philippines - Dinakip kahapon ng kanilang mga kabaro ang tatlong pulis-Maynila kaugnay sa umano’y pangongotong ng halagang P66,000 cash at electronic appliances, sa isang negosyanteng Tsinoy, sa Binondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Isinalang na kahapon sa interogasyon ng MPD-General Assignment Section (GAS) ang mga suspect na sina SPO1 Ferico Macasikay; SPO2 Anthony Blanco; at SPO2 Jaime Acusin, pawang nakatalaga sa MPD-District Mobile Patrol Unit (DMPU) dahil sa reklamo ng biktimang si Noel Sy, 30,.
Sa ulat ni MPD-Station 11 chief, Supt. Nelson Yabut, da kong alas-10:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng tindahan ng amain ng biktima sa C.M. Recto Ave., Binondo. Sa salaysay ni Sy, siya ang nakabantay sa tindahan ng amaing si Emmanuel Reyes nang dumating sa tindahan ang mga pulis at inakbayan umano siya ng mga ito at inilabas sa tindahan. Sa labas ay inakusahan siyang nagbebenta ng mga nakaw na paninda.
Isa sa suspect naman ang pumasok muli sa tindahan at pinagkukuha di umano ang Asus Laptop (P14,000); Philipis DVD (P8,000); Hyundai Karaoke DVD player (P10,000); 2 Sony PSP (P18,000) at apat na Adaptor (P6,000) at inilagay sa kanilang Mobile car #363.
Bukod sa tinangay na mga paninda ay humingi pa umano ng halagang P10,000 ang mga pulis sa biktima kapalit ng hindi pag-aresto sa kanya..
Isang Armando Avillar, tiyuhin ni Sy ang nag-abot umano ng halagang P10,000 para hindi na arestuhin ang biktima.
Dahil sa reklamo iniutos ni MPD Director Roberto Rosales ang pag-aresto sa mga pulis na kasalukuyang nasa kustodiya ng MPD-GAS.