Killer ng parak, timbog

MANILA, Philippines - Isang wanted sa pagpatay sa isang pulis isang taon na ang nakakalipas ang nadakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa pinagtataguan nitong bahay kahapon.

Nakilala ang suspek na si Wilson Dagondong, 48, ng Area 6 Sitio Cabuyao, Brgy. Sauyo, Novaliches. Ang suspek ang itinuturong pumaslang sa biktimang si PO1 Jhon Hadjalani Sali, nakatalaga sa Taguig police station.

Nabatid na unang humingi ng tulong sa mga opis­yales ng barangay ang mga kaanak ni Sali. Isang warrant of arrest na inisyu ni Judge Ralph Lee ng Branch 83 ng Quezon City Regional Trial Court ang ipinakita ng mga ito kung saan wanted si Dagondong sa kasong pagpatay kay Sali.

Agad namang nakipagkoordinasyon sa pulisya ang mga opisyales ng barangay kung saan hindi na naka­palag si Dagondong nang arestuhin ito ng mga awtoridad sa kanyang pinagtataguang bahay.        

Nabatid sa rekord na naganap ang krimen noong Hulyo 2008 kung saan inabangan umano ni Dagondong kasama ang isa pang lalaki si Sali habang naglalakad sa Area 6 Sitio Cabuyao. Dito pinagbabaril umano ng dalawa ang pulis hanggang sa bawian ito ng buhay. (Danilo Garcia)

Show comments