MANILA, Philippines - Matapos na magpairal ng rollback sa kanilang produktong diesel at kerosene ang ilang kompanya ng langis ay nagbabala naman ang dealer ng liquefied petroleum gas ng pagtataas ng presyo ng cooking gas sa susunod na buwan ng Abril.
Ang aksyon ay ipinarating ng LPG Marketers Association (LPGMA) dahil sa panibagong pagtaas ng contract price nito sa world market. Sinabi ni LPGMA president Arnel Ty, ang P1 rollback na ipinairal ng kanyang grupo noong nakalipas na linggo ay pinakahuli na ngayong buwan ng Marso.
Idinagdag pa ni Ty, ang LPG price hike ay inaasahan pang magpapatuloy sa unang dalawang linggo ng buwan ng Abril subalit hindi singtaas ng kanilang calculations.
Sa Latest monitoring ng LPGMA ang bansang China ay patuloy ang pag-iipon ng LPG stock matapos na ang contract price nito sa world market ay umabot sa $450 per metric ton at tumigil nang pumalo sa $600 per metric ton.
Inamin ni Ty na isang oil firm sa bansa ang nasimula nang i-divert ang kanilang produkto sa bansang China, dahilan upang tumaas ang demand ng produktong petrolyo dito.
Ayon kay Ty, pagtaas ng contract prices ng LPG sa international market ay naging daan sa Organization of Petroleum Exporting Countries na magbawas ng produksyon para mapanatili ang bagong presyo.
Noong nakalipas na linggo ay nagpatupad ng P2 per kilograms na rollback ang LPGMA o katumbas ng P22 per 11 kilograms na tangke kung saan ay umabot sa P8 ang ibinaba kada kilo simula sa buwan ng Pebrero.
Ang LPGMA ay nagsu-supply ng 30% ng cooking gas sa buong Luzon area tulad ng Pinnacle Gas, Regasco Gas, M-Gas, Cat Gas, Omni Gas, Nation Gas, at Island Gas. (Ricky Tulipat at Rose Tamayo-Tesoro)