LTO officer kritikal sa ambush
MANILA, Philippines - Kritikal ngayon ang isang opisyal ng Land Transportation Office (LTO) makaraang tambangan ng tatlong hindi pa nakilalang mga suspek sakay ng isang motorsiklo kahapon ng umaga sa may Commonwealth, Quezon City. Ginagamot ngayon sa FEU General Hospital ang biktimang nakilalang si Camilo Guarin, asst. regional director ng LTO-National Capital Region.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District-Station 6 (Batasan), dakong alas-8:30 ng umaga nang maganap ang pananambang sa may Doña Carmen Subd., Brgy. Commonwealth.
Nabatid na papasok na sa trabaho ang biktima at sakay ng LTO service na Mitsubishi Adventure (SHF 302) na may body number NCR 02 nang bigla silang i-cut ng isang motorsiklo. Agad na bumaba ang tatlong lalaki na pawang naka-shorts lamang at binaril ang biktima ng isa sa mga suspek bago kaswal na nagsitakas. Nagtamo ng tama ng bala sa katawan at balikat ang biktima at ngunit nagawa pa nitong iutos sa kanyang driver na isugod siya sa FEU General Hospital.
Sa imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), gumamit ng kalibre .45 ang mga suspek sa naturang pamamaril. Nabatid na planado umano ang naturang pamamaril dahil sa halatang inabangan ang biktima sa pag-alis sa bahay nito. Iniimbestigahan naman ng mga tauhan ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit ang anggulo na maaaring may kinalaman sa kanyang trabaho ang naturang insidente sa kabila na wala naman umanong natatanggap na banta sa buhay ang biktima.
Samantala, mariing kinondena ni Land Transportation Office (LTO) Chief Arturo Lomibao ang naganap na ambush.
“LTO will give full support and cooperation to the Philippine National Police for the early solution of the case. As of this time, ARD Guarin is undergoing surgery and we enjoin everyone to pray for the success of his operation as his early recovery” dagdag ni Lomibao. (Danilo Garcia at Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending