Taxi na gumagamit ng LPG nagliyab sa kalye
MANILA, Philippines - Isang taxi na gumagamit ng auto-liquefied petroleum gas (LPG) ang bigla na lamang nagliyab at tuluyang nasunog habang bumibiyahe sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Hindi na nagawang maisalba pa ng rumespondeng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Makati City ang naturang taxi na may plakang TWZ-973 na minamaneho ng isang Bong Rosero.
Ayon kay Rosero, pasado alas-10 ng gabi nang biglang magliyab ang kanyang taxi kung saan kagagaling lamang aniya sa Pasong Tamo at kasalukuyan tinatahak ang kahabaan ng Buendia nang pagsapit sa Makati Avenue ay napansin niyang may umuusok na sa ilalim ng manibela.
Dahil sa tuluyan na ngang lumagablab ang kanyang taxi ay agad na inihinto ni Rosero ang sasakyan at mabilis na bumaba upang isalba ang sarili.
Sinubukan pa umano niyang buhusan ng tubig ang nagliliyab na sasakyan subalit tuluyan na rin itong nilamon ng apoy bago pa man dumating ang mga pamatay-sunog.
Lumalabas naman sa inisyal na imbestigasyon na posible umanong sumiklab ang wirings na nakakonekta sa tangke ng auto-LPG na naging dahilan upang lumiyab at tuluyang masunog ang sasakyan.
Wala namang iniulat na nadamay sa naturang insidente. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending