MANILA, Philippines - Bumagsak sa mga operatiba ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang isang bogus na lalaking gumagamit ng protocol license plate ni House Speaker Prospero Nograles sa isinagawang operasyon sa Sucat, Parañaque City kahapon ng umaga.Kinilala ni PNP-HPG Director Chief Supt. Orlando Mabutas ang nasakote na si Luis Lozano.
Ayon kay Mabutas si Lozano, isang empleyado ay naaresto habang minamaneho ang kanyang Mazda 3 gamit ang protocol license plate no. 4 sa bisinidad ng Merville Subdivision, Sucat, Parañaque City bandang alas-8:30 ng umaga.
Sinabi ni Mabutas na ang nasabing plaka ay awtorisado lamang na gamitin ng House Speaker at hindi ng mga ordinaryong sibilyan tulad ni Lozano. Isinagawa ng PNP-HPG ang operasyon matapos na magreklamo mismo si Nograles hinggil sa nakita nitong isang Mazda 3 at isang Toyota Vios na gumagamit ng kanyang plaka na walang awtorisasyon noong Pebrero 18 ng taong ito sa isang lugar sa Metro Manila.
Bukod dito, mismong malalapit na kaibigan ni Nograles ang maraming beses ring nakakita sa nasabing behikulo na inakala nilang ang sakay ay ang House Speaker subali’t isa lamang palang sibilyan. Hindi na nakapalag ang nasabing suspect matapos na damputin ng mga tauhan ng PNP-HPG at isailalim sa imbestigasyon.
Iginiit naman ni Lozano sa mga imbestigador na isang tinukoy lamang nitong Mr. Garcia na kaibigan umano mismo ng House Speaker ang nagbigay sa kanya ng naturang plate number. Ginamit umano niya ang protocol license plate No. 4 upang walang maging abala sa trapiko at makalusot sa paninita ng mga law enforcers kapag lumalabas siya gamit ang sasakyan.
Nahaharap ngayon sa kasong usurpation of authority at unauthorized used of specific plate for government official ang nasakoteng suspect. (Joy Cantos)