1 pa sugatan: Band member todas sa pulis
MANILA, Philippines - Isang miyembro ng banda ang nasawi, habang sugatan naman ang kaibigan nito makaraang makaengkuwentro ang isang kagawad ng pulisya dahil sa umano’y agawan sa iisang babae sa lungsod ng Pasig kahapon ng umaga.
Dalawang tama ng bala sa katawan ang tumapos sa buhay ni Jonathan Nuydar, alyas Atan, 21, guitarist, binata, ng J.P. Rizal St., May pajo, habang ginagamot naman sa Pasig City General Hospital (PCGH) si Orly Gagui, alyas Ogie, 29, ng Road 2, Tambakan Station, Maypajo, kapwa ng Caloocan City.
Sumuko naman kay Senior Supt. Ramon de Jesus, hepe ng Pasig City Police Station, ang suspect na parak na si Senior Inspector Narciso Cajipe, Jr., 31, nakatalaga sa Eastern Police District (EPD) ng Tenejeros St., Malabon City..
Sa inisyal na ulat, naganap ang insidente sa may Jasmin St., Jabson Site, Rosario, Pasig City ganap na alas-4:30 ng madaling-araw.
Sinasabing nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng mga biktima at ng pulis kung saan pinaputukan umano ni Gagui gamit ang kalibre .45 baril si Cajipe ngunit nagmintis ito sanhi upang gumanti ang huli ng putok at tamaan ang mga una.
Subalit ayon sa isang opisyal na ayaw magpabang git ng pangalan, selos ang umano’y ugat ng away ng mga biktima at ng pulis matapos na umano’y magpang-abot ang mga ito sa bahay ng sinasabing babaeng nakilala lamang na Mitch kung saan naging ugat ng mainitang pagtatalo hanggang sa mauwi sa pamamaril.
“Kasi yon babae dating boyfriend niya iyong namatay (Jonathan) taga-Caloocan ’yun namatay, tapos siguro close din siya sa pulis na taga-Caloocan City naman eh nagpang-abot sila, baka nagselos kaya nag-away hanggang sa magkabarilan, si Orly Gagui nadamay lang iyon kasi kaibigan siya ni Jonathan” ayon sa pulisya.
Samantala, sa presinto ay tinangkang kunan ng pahayagang ito ang panig ng pulis ngunit tumanggi itong mag bigay ng anuman ukol sa isyu.
- Latest
- Trending