MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang nabuwag na ang isang kidnap-for-ransom syndicate matapos masakote ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) ang isang Filipino-Chinese na sinasabing utak ng sindikato at dalawang kasabwat na Chinese nationals kasabay nang matagumpay na pagliligtas sa biktima sa Magalang, Pampanga, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni NBI Director Nestor M. Mantaring ang sinasabing mastermind na si Michael A. Yung, 44, negosyante at may-ari umano ng isang travel agency at residente ng Soler St., Sta. Cruz, Maynila. Nadakip din ang dalawa pa nitong kasabwat sa sindikato na sina Shun Kuo Shi, 48, at Gong Feipeng, 37, kapwa Chinese national at nanunuluyan sa T. Buban St., Binondo, Maynila.
Tinutugis pa ang iba pang miyembro ng grupo na kinilalang sina Wilson Ong, Jimmy Go, Siao Tan, Owa Sy at isang kilala lamang sa alyas na “Atong” at isang hindi pa kilalang lalaki.
Nailigtas naman sa nasabing operasyon ang biktimang dinukot ng grupo na si Henry Sia, negosyante at residente ng Tondo, Maynila .
Sa ulat ng NBI- National Capital Region (NCR) na pinamumunuan ni Atty. Edward Villarta, humingi ng saklolo ang isang Benjamin Yu nitong Marso 3, kaugnay sa pagdukot sa kanyang tiyuhing si Sia ng mga hindi nakilalang Chinese-looking na kalalakihan, noong gabi ng Marso 2, 2009, sa T. Alonzo St., Sta. Cruz, Maynila at nanghihingi umano ang grupo ng ransom na P15-milyon.
Sa reklamo, sinabi ni Yu na ang mga kidnaper ay sakay umano ng isang dark-colored Sedan , na may nakakabit pa umanong PNPA commemorative plate.
Nakipagnegosasyon umano ang sindikato sa pamamagitan ng cellphone kung saan naging dahilan upang ma-trace ng awtoridad ang kinaroroonan ng mga suspect at biktima.
Marso 4, nang tumulak ang mga operatiba ng NBI sa Magalang, Pampanga para isagawa ang surveillance kung saan natukoy na nasa isang abandonadong duck farm, sa Barangay San Isidro, Magalang ang grupo.
Sa muling pakikipagnegosasyon, itinaas pa umano sa P20-milyon at binalaan ang pamilya ng biktima na kung hindi maibibigay ang ransom sa pagbubukas pa lamang ng mga bangko kinabukasan (Marso 5) at hindi susunod sa kanilang iuutos ay papatayin na lamang ang biktima. Hindi na pinagpabukas pa ng mga operatiba ng NBI at kaagad humingi ng assistance sa ISAFP at isinagawa ang rescue operation.
Nang mapasok na ang ‘lungga’ ng sindikato, pinaputukan umano sila ng suspect na si Gong at nagkahabulan hanggang sa madakip na ito hawak ang homemade na kalibre .38 revolver.
Ang suspect naman na si Shun Kuo Shi, na nagbabantay sa biktima ay nagkasa rin umano ng kalibre .45 pistola nang ma kita ang mga operatiba na pumalag pa umano bago maaresto. Nang maisalba na ang biktima at bitbit ang dalawang suspect ay tinungo nila ang San Francisco Hotel, sa Brgy. San Francisco, Magalang na doon naman nadakip si Yung.