Pasahero inatake sa taxi

MANILA, Philippines - Bangkay nang uuwi sa kanilang lalawigan ang isang 59-anyos na ship engineer makaraang atakehin sa loob ng isang taxi habang buma­baybay sa Roxas Boulevard, Ermita, Maynila kahapon ng umaga.

Isinugod pa ng taxi driver na si Joseph Lanogan, 41, sa Ospital ng Maynila ang bik­timang si Dionisio Garcia, tubong Davao City, ship engineer ng RBL Shipping sa #925 Naval St., Navotas City.

Dakong alas-9:00 ng umaga nang mapansin ni Lanogan na nangingisay si Garcia sa loob ng kanyang taxi habang binabagtas nila ang kahabaan ng Roxas Boulevard kaya agad niyang dinala sa pinakamalapit na ospital subalit idineklarang dead on arrival.

Sinabi ng driver sa imbes­tigador na sumakay sa kan­yang taxi sa ilalim ng tulay ng Del Pan ang biktima at nag­papahatid sa terminal ng Ninoy Aquino International Airport­.

Naikuwento pa umano ng biktima na tanghali ang flight niya patungo sa Davao City subalit sa tapat pa lamang ng Rajah Suliman sa kahabaan ng Roxas Boulevard nang mapansin na kakaiba na ang hitsura ng biktima.

Posibleng dahil sa init umano ng araw sa mga oras na iyon at biglang sakay ng taxi ang nagmamadaling biktima na naging dahilan upang siya ay atakihin ng hindi pa natukoy na sakit. (Ludy Bermudo)

Show comments