Gotesco hawak na ng Caloocan

MANILA, Philippines - Iniutos ni Caloocan Regional Trial Court Acting Presiding Judge Oscar P. Bar­rientos ng Branch 126 ang pagkakaloob ng kara­patan sa pamahalaang lokal ng Ca­loocan na okupahin ang Ever Gotesco Mall matapos na mabigo ang pamunuan nito na bayaran ang mahigit kalahating bilyong pisong pagkaka­utang sa Real Pro­perty Tax sa loob ng 23 taon.

Batay sa apat na pahi­nang desisyon na ipinalabas ni Barrientos noong Marso 6, 2009, idiniin ng hukuman ang karapatan ng pamaha­laang lokal bilang bagong may-ari na okupahin ang kabuuan ng nasasakupan ng Ever Go­tesco Mall kabi­lang na ang gusali nito at lahat ng tina­tawag na “im­prove­ments” na matatag­puan dito.

Batay sa record, mula taong 1986 hanggang 2006 pa lamang ay umaabot na sa P722,321,368.55 ang pagka­kautang ng Gotesco Investments Inc. na pag-aari ni Jose Go sa lungsod ng Caloocan dahil sa hindi nito pagbabayad ng realty taxes.

Idiniin naman ni Caloo­can City Mayor Recom Echiverri na walang dapat ikabahala ang 300 tenants ng mall ka­bilang na ang mga mangga­gawa nito sapagkat isinasa­alang-alang ng kan­yang liderato ang kani­lang kapa­kanan. (Lordeth Bonilla)

Show comments