Gotesco hawak na ng Caloocan
MANILA, Philippines - Iniutos ni Caloocan Regional Trial Court Acting Presiding Judge Oscar P. Barrientos ng Branch 126 ang pagkakaloob ng karapatan sa pamahalaang lokal ng Caloocan na okupahin ang Ever Gotesco Mall matapos na mabigo ang pamunuan nito na bayaran ang mahigit kalahating bilyong pisong pagkakautang sa Real Property Tax sa loob ng 23 taon.
Batay sa apat na pahinang desisyon na ipinalabas ni Barrientos noong Marso 6, 2009, idiniin ng hukuman ang karapatan ng pamahalaang lokal bilang bagong may-ari na okupahin ang kabuuan ng nasasakupan ng Ever Gotesco Mall kabilang na ang gusali nito at lahat ng tinatawag na “improvements” na matatagpuan dito.
Batay sa record, mula taong 1986 hanggang 2006 pa lamang ay umaabot na sa P722,321,368.55 ang pagkakautang ng Gotesco Investments Inc. na pag-aari ni Jose Go sa lungsod ng Caloocan dahil sa hindi nito pagbabayad ng realty taxes.
Idiniin naman ni Caloocan City Mayor Recom Echiverri na walang dapat ikabahala ang 300 tenants ng mall kabilang na ang mga manggagawa nito sapagkat isinasaalang-alang ng kanyang liderato ang kanilang kapakanan. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending