Suspek binawalang manligaw sa pamangkin: Obrero niresbakan

MANILA, Philippines - Isang 48-anyos na construction worker na si Ro­marico Javines ang hini­nalang pinatay ng isang 20-anyos na pedicab driver na si Marlon Felecto sa Tondo, Manila kahapon ng ma­daling-araw makaraang pagbawalan ng biktima ang suspek sa panliligaw sa pamangkin niyang babae.

Biyak ang ulo ni Javines nang matagpuan ang kan­yang bangkay sa tinatam­bayan niyang bahay sa BLC Rawis Compound, Santa Fe St., Tondo. Ipinalalagay na hinampas ng matigas na bagay ang biktima.

Lumitaw sa pangunang pagsisiyasat ng pulisya na nagalit umano si Felecto kay Javines nang pagbawalan siya nito na lumigaw sa 14-anyos na pamangkin ng biktima.

Bukod dito, ginulpi pa umano ni Javines si Felecto noong nakaraang linggo kaya ipinalalagay na nag­higanti ang suspek. (Ludy Bermudo)

Show comments