MANILA, Philippines - Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang puganteng Amerikano na wanted sa isang bangko sa US ng mahigit sa $18 million.
Si Kevin Mitcehl Gore, 40, ay naaresto sa bisa ng mission order na inisyu ni Immigration Commissioner Marcelino LIbanan.
Naharang si Gore ng mga operatiba ng BI-NAIA sa NAIA 2 centennial airport ilang minuto bago itong sumakay ng Philippine Airlines patungong Hongkong.
Nilinaw ni LIbanan na iniutos niya ang pag-aresto kay Gore matapos ipaalam ng US embassy sa Manila na nasa bansa ito upang magtago sa kanyang kaso mula sa bansang US at ang pagkansela ng US government sa pasaporte nito.
Nakatakda namang mag-isyu ang BI board of commissioner ng summary deportation kasabay ng paglalagay sa immigration blacklist ni Gore at hindi na ito maari pang pumasok sa PIlipinas dahil sa pagiging undesirable alien.
Sinabi naman ni Atty. Floro Balato Jr. spokesman ng BI na si Gore ay wanted sa kasong bank fraud at matagal ng nasa wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI) matapos na magpalabas ang Illinois court ng warrant of arrest. (Gemma Amargo-Garcia)