MANILA, Philippines - Naaresto ng mga ahen te ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babae na hinihinalang illegal recruiter at umano’y nanloko sa 11 aplikante ng mahigit sa P1.5 million kapalit ng pekeng trabaho sa Canada.
Kinilala ni NBI Director Atty. Nestor Mantaring ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 8042 (Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995) at estafa, na si Nancy Leono, owner/manager ng Lacorte Kimpura Travel Agency sa Makati, ng 1515 Sto. Sepulcro St., PNR Mansion, Paco, Maynila.
Bigo naman ang mga awtoridad na madakip ang kasamahan ni Leono na si Melba Lamug, marketing staff ng Lacorte Kimpura Travel Agency, at residente ng Unit 20 #1815 Laong Laan St. corner Prudencio St., Sampaloc, Maynila.
Si Leono ay naaresto sa kanyang bahay sa isang entrapment operation na isinagawa ng mga tauhan ng NBI Anti-Human Trafficking Division (AHTRAD) noong Miyerkules ng hapon, at kasalukuyang pinipigil sa NBI main office sa Maynila.
Lumalabas sa imbestigasyon ni Senior agent Jose Theron Valencia na nag-aplay ng trabaho bilang nurse, caregiver at hotel receptionist sa Canada ang mga complainant, na hiningian naman umano ng mga suspek ng P1,523,950 para sa processing fees at placement fees.
Sa kabila nang pagbabayad ng mga complainant ng nasabing halaga ay bigo umano ang mga suspek na bigyan sila ng trabaho sa nasabing bansa. Hindi na rin naibalik ng mga suspek ang pera ng mga biktima na kaagad na humingi ng tulong sa NBI.
Nang beripikahin sa POEA, lumilitaw na hindi awtorisado ang dalawa na mag-recruit ng mga manggagawa upang magtrabaho sa ibayong dagat.
Nagkataon naman uma no na kinontak ni Leono ang mga complainant at sinabihan ang mga ito na magkita sila sa kanyang tahanan noong Marso 4, dakong 2:00 ng hapon, upang humingi pa ng karagdagang tig-P6,600 mula sa mga ito bilang travel tax. Dito na isinagawa ng mga awtoridad ang pagdakip sa suspek sa isang entrapment. (Gemma Amargo-Garcia)