MANILA, Philippines - Limang Indian nationals na hinihinalang sangkot sa sindikato ng human trafficking ang naharang ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI).
Kinilala ni Immigration Commissioner Marcelino LIbanan ang mga naaresto na sina Harmail Kaur, Jaspreet Kaur, Mandeep Kaur Dhaliwal, Sarabjit Singh at Swaan Singh.
Sinabi ni Libanan na ang lima ay naharang sa Davao International Airport (DIA) matapos na dumating ang mga ito mula sa Singapore.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa BI-Davao detention center habang nakabinbin pa ang imbestigasyon sa mga ito.
Kaagad sanang ipababalik sa lugar ng kanilang pinagmulan ang mga Indians ng immigration officers subalit napansin na ang gamit na Philippine visas na nakadikit sa pasaporte ng mga ito ay peke.
Inalerto din rin ni Libanan ang mga opisyal ng BI sa iba pang port sa katimugang bahagi ng bansa upang maging mapagbantay sa pagsala ng mga dumarating na dayuhan dahil sa maaaring gamitin ng sindikato ng human trafficking ang katulad na modus operandi na ginamit ng mga Indian national upang makapasok sa bansa.
Bukod sa mga pasaporte nagprisinta rin ang mga suspek ng pekeng dokumento na umano’y nilagdaan ng Philippine Minister Consul Antonio Morales na nagsasabing ang mga visa nila ay inisyu ng Philippine con sulate sa Kuala Lumpur, Malaysia. (Gemma Amargo-Garcia)