MANILA, Philippines - Sumuko sa pulisya ang dalawa sa anim na mga pulis na isinasangkot sa pagdukot sa Medal of Valor awardee na pulis na napabalitang nawawala noon pang Pebrero 25, ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Taguig Police chief, Sr. Supt. Camilo Pancratius P. Cascolan, sina P01 Sukarno Adjud at Salid Wahid ay sumuko sa kanyang tanggapan upang linisin ang kanilang mga pangalan hinggil sa sinasabing pagdukot at pangho-hostage kay P02 Jamaron S. Sandag, 32, miyembro ng Aviation Security Group (ASG).
Ayon kay P01 Adjud, kasalukuyan umano siyang nasa Las Piñas Police noong February 25 para mag-courtesy call sa kanyang mga superior para sa panibago niyang as ssignment sa nasabing himpilan ng pulisya.
Samantala, si Wahid naman na nang araw din na iniulat na dinukot si Sandag ay kararating lamang aniya sa Maynila galing Zamboanga del Norte upang i-follow-up ang kanyang mga papeles para sa posibleng pagbabalik niya sa serbisyo.
Sa kabila nito isinasailim pa rin hanggang kahapon sina Adjud at Wahid na dating miyembro ng Special Action Force (SAF) sa custodial investigation ng pulisya.
Magugunita na si Sandag na isang Medal of Valor awardee ay noon pang February 25 iniulat na dinukot kung saan sinasangkot sina Adjud at Wahid kasama ng apat pang mga dating pulis sa nasabing insidente. (Rose Tamayo-Tesoro)