Mga maton o siga imomobilisa ng NCRPO
MANILA, Philippines - Upang maging kapaki-pakinabang sinimulan na kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang paggamit sa mga binansagang siga-siga sa kanto para makatuwang sa pagpapanatili ng peace and order sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Ito ang inihayag kahapon ni NCRPO Chief Director Leopoldo Bataoil alinsunod sa direktiba ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na gamitin ang mga siga sa peace and order para mapa kinabangan naman ang mga ito ng lipunan.
“We are now giving importance to this seemingly neglected siga-siga as members of our society. We give them recognition, we give them proper identification, we motivate them and then we give them responsibility, yun ang importante,” ani Bataoil.
Ayon kay Bataoil, inatasan na niya na pulungin ng bawat Chief of Police sa National Capital Region ang mga siga sa kanilang mga hurisdiksyon at isailalim sa mga recovery program upang magbago ang pananaw ng mga ito sa buhay.
Ang mga siga-siga o mga tambay ay karaniwan nang nakikipagbasag-ulo sa mga kanto kung saan talamak ang mga ito sa Metro Manila lalo na sa mga malalapit sa mga squatters’ area.
Sa pamamagitan ng pagpapahalaga para mapakinabangan naman ang mga siga-siga, ayon pa sa NCRPO Chief ay ma-eenganyo o mahihikayat ang mga ito na siyang mamuno sa pagpapanatili ng kapayapaan sa isang lugar kaakibat ng mga pulis.
Idinagdag ng opisyal na tutulungan ng NCRPO ang mga siga-siga na karaniwan na ring binabansagang mga maton tulad ng pagkakaloob sa mga ito ng kabuhayan, moral recovery program at spiritural development kung saan sasanayin ang mga ito ng mga pulis para mapakinabangan sa naturang programa .
Inamin din ni Bataoil na hindi naman kaagad agad na magiging perpekto ang organisasyong itinatatag nila pero bahagi na rin aniya ito ng reporma upang mapalakas ang kanilang kampanya para maprotektahan ang mamamayan laban sa masasamang elemento na kalaban ng batas. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending