Sinampahan ng kasong rape ang isang dating staff ng Manila Boystown sa Office of the City Prosecutor ng Marikina City makaraang tuhugin nito ang apat na menor de edad na pawang mga residente rin sa Girls Home Unit, Manila Boystown Complex, Parang, Marikina noong isang taon.
Si Marlon Victo ay kinasuhan ng 4 counts ng rape alinsunod sa direktiba ni Manila Mayor Alfredo S. Lim na pagbayarin ang suspect sa karumal-dumal na krimeng ginawa nito sa apat na mga kabataan noong isang taon.
Nagsilbing kinatawan ng Manila Social Welfare Development (MSWD) at ng apat na menor-de-edad na pawang itinago sa mga pangalang Isabel, Jennifer, Laila at Pilar sa paghahain ng kasong rape sa sala ni Prosecutor Cristina S. Sto. Domingo si Osita A. Mariano, Social Welfare at OIC ng Girls Home Unit ng Boystown.
Base sa sinumpaang salaysay ng mga biktima, lumilitaw na unang minolestya ni Victo ang 13-anyos na si Isabel sa sala ng Girls Home noong Setyembre 16, 2008 na sinundan naman ni Jennifer, noong Oktubre 5, 2008; Laila, Oktubre 22, 2008 at Pilar noong Oktubre 30, 2008.
May kani-kanya ring medical certificates ang mga biktima na nagpapatunay na sila ay tunay na hinalay ng suspect.
Matatandaan na noon pang isang taon ay sinibak na sa puwesto ang suspek na si Victo, gayunman ang pagkasibak nito ay hindi pa sapat kung kaya’t ipinag-utos ni Lim ang pagsasampa ng kasong rape dito. (Doris Franche)