Menor-de-edad isinama ni Lim sa matatandang preso
MANILA, Philippines - Tumanggi kahapon si Manila Mayor Alfredo Lim na sa reception and action center ng Department of Social Welfare and Development makulong ang 16 anyos na tinedyer na si Joel Satuito na kabilang sa mga suspek sa pagpatay sa nurse na si Rosalie Turcolas sa Sampaloc, Manila noong nakaraang linggo.
Sa halip, inutos ni Lim na ikulong pa rin si Satuito sa Manila City Hall District Special Project Unit kahit isa pa itong menor-de-edad.
Sinabi ni Lim sa isang pulong-balitaan na karumal-dumal ang krimeng nagawa ni Satuito kaya dapat lang itong makulong sa isang selda na kasama ng mga matatandang suspek.
Ayon kay Lim, hindi nakakapagtaka na magagawa ito ni Satuito dahil nakatira ito ng valium bago isagawa ang krimen. Ang pahayag na ito ang sinuportahan naman ni Juan Daniel Gesmundo, 22, isa sa mga suspek na “kumanta” at nagturo sa pinagtataguan ng mga kasabwat nito.
Bukod kay Satuito, nadakip din maging ang mga kasamahan nito na sina Joseph at Jovit Satuito, Edmond Gameng at Regie Santos. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending