MANILA, Philippines - Isang 30-anyos na maintenance man na iniwanan ng kanyang asawa ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa Pasig kahapon ng madaling-araw.
Ang biktima ay kinilalang si Joel Ferrer ng J.P Rizal St., Centenial II, Nagpayong, Pinagbuhatan ng naturang lungsod.
Ganap na alas-2:00 ng madaling-araw nang matagpuan ang labi ng biktima na nakabitin sa kisame ng kanyang bahay.
Lumilitaw na bago naganap ang pagpapatiwakal, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang biktima at asawa nitong si Jacel noong Sabado ng gabi matapos na paghinalaan ng huli na may ibang babae ang una.
Ang pagtatalo ay nagtulak umano sa babae na umuwi sa bahay ng kanyang nanay.
Ito ang sinasabing nagtulak din sa biktima upang tapusin ang kanyang buhay kung saan nagtext pa umano ang una sa kanyang asawa ng katagang “hinusgahan mo agad ako” bago ito nagpasyang magbigti. (Ricky Tulipat)