MANILA, Philippines - Isasampa ngayong Lunes ang kasong robbery with homicide laban sa dalawang nadakip na suspek sa pagnanakaw at pagpatay sa isang 22 anyos na nurse sa Sta. Cruz, Manila noong nakaraang linggo habang illegal possession of firearms naman sa ama ng isa na nakumpiskahan ng ginamit na baril sa krimen.
Ayon kay Sr./Insp. Marcelo Reyes, hepe ng Investigation Division ng Manila City Hall—Special Police District Unit, si Roy Satuito, 16-anyos, na siyang sinasabing utak ng grupo, ay pansamantalang ikukustodiya sa Manila Redemption and Action Center dahil sa darating na Marso 7 pa lamang siya tutuntong sa 17-anyos at sa susunod na taon, sa pagsapit ng ika-18 kaarawan, ay maari na siyang ilipat sa Manila City jail.
Kasamang sasampahan ngayon ng nasabing kaso si Edmund Gameng, tricycle driver, 29, na maari na umanong ipalipat sa MCJ, habang nililitis ang kaso .
Hindi man sabit sa panloloob at pagpatay sa bahay ng biktimang si Rosalie Turcolas, kakasuhan naman ng illegal possession of firearms si Joseph Satuito, 39, ama ni Roy, dahil sa pag-iingat ng baril (Beretta) na ginamit sa krimen at nadiskubreng pag-aari ng isang pulis na ninakaw ni Roy .
Patuloy pa ang pagtugis sa dalawang nakalalayang suspek na sina Ronnie Tehan, alyas “Kambal”, ng Cavite at isang alyas Chino, 40-anyos, ng Blumentritt, Sta. Cruz, Maynila.
Nabatid din kahapon na natukoy na kung saan naibenta ang laptop ni Turcolas. (Ludy Bermudo)