MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa humigit-kumulang sa kalahating milyong pisong salapi pati na ng mga personal na kagamitan ang natangay sa apo ng beteranong komedyante na si Dolphy (o Rodolfo Vera Quizon) at kasama nitong babae makaraang mabiktima sila ng Bukas Kotse Gang kamakalawa ng gabi sa B.F. Homes, Parañaque City.
Ang mga biktima ay kinilala ni PO1 Pio Calve, Jr. na sina Manuel Villegas Quizon II (Boy 2), 24, at Marrian Mabel Oliver, 32, kapwa residente ng #15 Canberra, B.F. Homes, Northwest, Parañaque City.
Natangay sa mga biktima ang tinatayang nasa P80,000 halaga ng salapi, Philippine Passport at visa, ATM (Metro Bank, BDO); Check Book, I-phone; Cellphone; Credit Cards, BPI; Oakly Backpack at isang PSP.
Dakong alas-11:30 kamakalawa ng gabi nang mangyari ang insidente sa parking area ng Park ‘N Shop sa Dr. A Santos Avenue, B.F. Homes.
Unang ipinarada ng mga biktima ang kanilang sasakyang Ford Expedition na may plakang WLD-156 sa naturang parking area saka nagtungo ang mga ito sa loob ng Gymaholic para maglibang.
Makalipas ang isang oras at kalahati, nang balikan nila ang sasakyan, nadiskubre ng mga biktima na ang kaliwang bahagi ng salamin ng kanilang sasakyan sa gawing harapan ay basag na.
Nang usisain ang kagamitan sa loob ng sasakyan, natuklasan ng mga biktima na nanawala na ang kanilang salapi at personal na kagamitan.