MANILA, Philippines - Walang naitala ni isa mang insidente ng bank robbery/holdup, at iba pa mula Enero hanggang Pebrero 28 o sa loob ng nakalipas na dalawang buwan sa Metro Manila ang National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ayon kay NCRPO Chief Director Leopoldo Bataoil, ito’y bunsod ng pinalakas na police visibility na partikular na tinutukan ang bank robbery/holdup sa mga commercial centers na kinaroroonan ng mga bangko sa Metro Manila.
Base sa tala ng NCRPO, ayon kay Bataoil, wala ni isa mang insidente ng bank robbery, armored van robbery, payroll robbery at robbery matapos na mag-withdraw sa bangko ang NCRPO.
Sinabi ni Bataoil na zero sa nasabing mga krimen sa Metro Manila ang NCRPO kumpara sa nairekord noong Enero hanggang Pebrero ng nagdaang taon kung saan dalawang bank robbery, isang armored van, apat na payroll robbery at pitong bank client robbery ang naganap.
Inihayag ng NCRPO Chief na ang ‘zero heist incident’ nitong Enero hanggang Pebrero 2009 kasunod ng pagkakalansag sa notoryus na Waray-Waray /Ozamis robbery groups nitong Disyembre 5, 2008 sa Parañaque City na ikinasawi ng sampung suspect habang nadamay rin sa insi dente ang limang sibilyan at napatay ang isang police commando.
Idinagdag pa ni Bataoil na karagdagang 300 pang pulis mula sa Regional Headquarters ang kanilang ipakakalat sa Metro Manila at City Police Stations upang tumulong sa pagpapanatili ng peace and order. (Joy Cantos)