Pulis hinostage ng mga dating pulis

Hinostage ng tinatayang anim hangggang pitong dating miyembro ng Special Action Force ng Philippine National Police (SAF-PNP) ang isang pulis, kahapon ng hapon sa Taguig City. Batay sa inisyal na ulat kahapon, ang biktima ay kinilalang si PO2 Jamaron Sandag, 32, Medal of Valor awardee at nakatalaga sa Aviation Security Group (ASG) ng PNP.

Sa panayam kay Nina Sandag, misis ng biktima, tatlo sa mga suspect ay kinilala nito na sina dating PO1 Said Wahid, Gamar Janihim, at isang nakilala sa pangalang PO2 Manzano. Ayon sa ginang, unang dinukot ng mga suspect ang kanyang mister sa isang lugar sa FTI Complex, Taguig, dakong alas-4 pa ng mada­ling-araw kahapon subalit nalaman lamang niya dakong alas-2 kahapon ng hapon matapos na iulat sa kanya ng pamangkin na ang biktima ay dinala ng mga armadong suspect sa ikalimang palapag ng Taguig Apartel sa Western Bicutan, malapit sa Tenement Elementary School. Agad na pinalibutan ng mga pulis ang naturang apartel. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments