Tinatayang nasa 300 kilo ng ‘double dead’ na karne ng baboy ang nasamsam, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City. Nahaharap naman sa paglabag sa Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines at RA 9296 o Meat Inspection Code ang mga naarestong sina Rafael Fruelda, 26; at Roberto Clet, 34, kapwa residente ng Brgy. 186, Maricaban, Pasay.
Batay sa ulat, ang pagpupuslit ng mga “hot meat” ay unang ipinagbigay-alam sa mga kinauukulan ng mga residente na umano’y dinadala tuwing madaling-araw sa Pasay City Public Market.
Dakong alas-5 ng madaling-araw nang ang mga suspect dala ang naturang mga karne habang lulan ng isang tricycle sa Brgy. Maricaban kung saan patungo na sana ang mga ito sa nasabing pamilihan.
Bagama’t nangangamoy at hindi na angkop para kainin ang mga naturang karne, iginiit naman ng mga suspect na hindi “hot meat” ang nasamsam sa kanila dahil kumpleto naman sila sa mga dokumento nito. (Rose Tamayo-Tesoro)