20-year old na fetus nahukay

Pinaniniwalaang may ilang dekada nang nakabaon sa lupa na pinagtayuan ng gusali at sa kasalukuyan ay panibagong gusali ang itinatayo nang matuklasang hindi pa rin nabubulok ang isang babaeng fetus na nakasilid sa garapon, sa San Andres Bukid, Maynila,  kamakalawa ng hapon.

Ayon sa ulat, dakong alas-4:30 ng hapon nang mahukay ang garapon na may likidong pinani­niwalaang formalin at nakalutang doon ang isang tinatayang 6-7 buwang fetus.

Isang Luis Moscoso, 44,  na construction worker ang nakatuklas habang hinu­hukay ang pundasyon sa #2352 Opal St., San Andres Bukid, Maynila.

Nabatid kay Moscoso na isang metro  pa lamang ang nahu­hukay nila nang mapuna ang garapon kaya maingat na sinungkit upang hindi mabasag.

Ayon sa pulisya maaring ibinaon ito bago pa itayo ang naunang konkretong gusali sa nakalipas na mahigit 20 taon at muli na namang tatayuan ng panibagong gusali.  (Ludy Bermudo)

Show comments