Tatlong bangkay ng hinihinalang mga biktima ng salvage ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar, kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Batay sa nakalap na impormasyon, unang natagpuan dakong alas-6 ng umaga ang bangkay ng isang lalaki na tinatayang nasa 17-20 ang edad na may nakabalot na plastic ang mukha at may laslas sa leeg sa Challenger St., Moonwalk Village.
Ilang minuto pa ay magkasunod namang natagpuan ang bangkay ng dalawa pang lalaki sa BF Resort at Great Plains Subd., Pilar Village, Almanza Uno, nabanggit na lungsod.
Kapwa may mga laslas rin sa leeg ang dalawa at nakabalot din ang mga ulo ng mga ito ng itim na garbage plastic bag.
Pawang nakagapos rin ng masking tape ang mga kamay ng mga biktima gaya rin ng unang natagpuang bangkay kung saan nakitaan din ang mga ito ng mga sugat at pasa sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan tanda ng sobrang pagpapahirap sa kanila bago pa man sila tuluyang nilikida.
Isang malaking pala isipan naman sa mga residente ng lungsod kung sino ang may kagagawan sa na turang krimen kung saan inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng mga biktima. (Rose Tamayo-Tesoro)