Patay ang isang 10-anyos na elementary pupil ng Ateneo de Manila University makaraang mabangga ng isang van sa loob mismo ng naturang campus kamakalawa ng hapon sa Quezon City. Hindi na umabot ng buhay sa New Era Hospital sanhi ng tinamong sugat sa ulo at katawan ang biktimang si Julian Miguel Alcantara, grade 4 student ng Ateneo grade school.
Agad namang sumuko sa mga awtoridad ang driver na nakila lang si Maria Theresa Torres, 37. Nahaharap ito ngayon sa kasong “reckless imprudence resulting to homicide”. Sa inisyal na ulat, naganap ang insidente dakong alas-4:30 kamakalawa ng hapon sa main gate ng naturang unibersidad sa Katipunan Avenue, QC.
Sa salaysay ni Torres, papalabas na siya ng naturang campus nang bigla na lamang umanong tumakbo sa kalsada ang biktima. Hindi na nagawa pang makapagpreno ni Torres kung saan diretsong nabangga nito ang paslit.
Nabatid na kasama ng bata ang katulong nito na si Tata Suarez, 65, nang bigla umano itong kumawala sa pag-alalay ng matanda at diretsong tumakbo sa kalsada. Agad namang hinabol ni Suarez ang alaga nang makita ang paparating na sasakyan sanhi upang mabangga rin siya nang piliting masagip ang bata. Ginagamot naman sa naturang pagamutan si Suarez matapos na isugod mismo ni Torres ang dalawang nabangga nito. (Danilo Garcia)