MANILA, Philippines - Nasawi ang isang 20-anyos na obrero makaraang mahulog sa 11th floor ng isang gusali kamakalawa ng umaga sa Pasay City.
Naging kalunus-lunos ang sinapit na kamatayan ng biktimang si Joselito Gorgonio, construction worker at residente ng Balatan St., Western Bicutan, Taguig City kung saan naging malaking palaisipan ngayon sa awtoridad ang umano’y ginawang pagkukubli ng isang construction firm kaugnay sa pagkamatay nito.
Bunga nito, hiniling ng mga kaanak ng biktima sa pulisya na magsagawa ng malalim na imbestigasyon upang mabatid ang tunay na dahilan sa pagkamatay ng huli na sinasabing nahulog dakong alas-11:45 kamakalawa ng umaga sa ginagawang gusali ng Newport Entertainment & Commercial Center na nasa Villamor Airbase ng Pasay City.
Batay sa pahayag nina Sr. Insp. Joey Goffort at SPO1 Joel Landicho, ang pagkamatay ng biktima ay hindi agad ipinaalam ni Mr. Jun Primavera, ang sub-contractor ng Primavera Construction, Inc., at naka-embalsamo na sa punerarya nang kanilang suriin ang bangkay.
Nasasaad kasi sa Standard Operational Procedure sa mga ganitong uri ng insidente na maging ang ospital ay obligadong i-report ito agad sa pulisya bago pa man maembalsamo ang sinumang biktima.
Ang biktima ay sinasabing patay na nang idating sa Philippine Air Force General Hospital pero naikubli ito sa hinalang pakikipagsabwatan ng may-ari ng naturang construction firm.
Bilang pampalubag-loob, sasagutin na lamang ng kompanya ang lahat ng gastusin sa ospital at paghahatid sa bangkay ng biktima sa kanilang probinsya sa Sorsogon. Dahil sa pagtatago sa tunay na pangyayari, malaki ang hinala ng awtoridad na ikinukubli ng construction firm ang naganap na krimen o pagkakaroon ng kapabayaan sa pagpapatupad ng safety procedures ng Primavera construction Inc., para hindi mabulgar ang paglabag ng mga ito sa ipinatutupad na Building Code. (Rose Tamayo-Tesoro)