MANILA, Philippines - Naaresto ng mga operatiba ng Manila Police District ang isang 25-anyos na ginang matapos nitong ibenta sa halagang P3,000 ang sarili nitong anim na buwang sanggol na anak dahil lamang sa pagrerebelde sa kanyang live-in partner sa Tondo, Maynila.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng MPD-Station 1 ang suspek na si Victoria Dominguez, ng 107 Herbosa St., Tondo, dahil sa reklamo ng kanyang live-in partner na si Ardolfo Permejo, 27, pedicab driver, ng Block 64, Lot 7 Kawal Purok 4, Dagat-dagatan Extn., Caloocan City.
Patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang isang “Dra. Erlin” na umanoy nakikipagkutsaba sa suspek upang maibenta ang isang anim na buwang gulang na batang babae.
Lumalabas sa imbestigasyon ni Supt. Ernesto Tendero, Hepe ng MPD-Station 1 na, dakong alas-7 ng gabi nang isinagawa ang pagbebenta ng suspek sa di nakilalang “buyer” sa loob ng isang fast food chain sa harapan ng Sto. Niño Church sa Tondo.
Bago maganap ang insidente, nag-away umano sina Ardolfo at Victoria makaraang nagselos umano ang una sa huli sa sarili nitong kapatid na si Arturo nang nakitang magkapatong ang tsinelas ni Victoria at Arturo.
Dahil sa matinding sama ng loob, umalis ng bahay si Ardolfo at umuwi lamang ito noong Sabado subalit hindi na niya naabutan ang kanilang anak.
Nang komprontahin ni Ardolfo si Victoria ay inamin nito na ibinenta nito ang bata sa tulong ng isang Dra. Erlin subalit nang nasa presinto na ito ay sinabing ipinaampon lamang ito.
Ipapatawag ng pulisya si Dra. Erlin upang magbigay liwanag sa insidente na siya ring susi upang maibalik ang bata.