Muay Thai president binoga ng sinibak na atleta
MANILA, Philippines - Binaril at napatay ang presidente ng Muay Thai Association of the Philippines ng isang tauhan ng Army na sinasabing sinibak ng una sa Philippine team sa loob ng tanggapan nito sa Philippine Sports Commission compound sa Pasig City.
Nakilala ang biktima na si Roberto Valdez, 40, ng Rome St., Ciudad Grande, Ortigas Avenue Ext., Pasig City. Patay na ito nang idating sa Medical City Hospital.
Ang suspect na nakilala namang si Sonny Suymales, dating miyembro ng Muay Thai Association of the Philippines at miyembro ng Philippine Team ay mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Ayon sa ulat naganap ang insidente dakong alas- 10:30 ng umaga sa loob ng association’s gym habang ang mga Muay Thai athletes ay nasa loob ng gym area nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at suspect. Walang sabi-sabing naglabas ng baril ang suspect at pinagbabaril ang biktima na nagtamo ng tatlong tama ng bala ng baril. Mabilis na tumakas ang suspect bitbit ang ginamit na baril.
Nabatid na nakatakdang magtungo sa Bangkok ang team para sa isang international tournament sa susunod na buwan.
Samantala, matapos ang pamamaril kay Valdez isang gun ban ang ipapatupad ng Philippine Sports Commission (PSC) sa kanilang mga sports premises.
Ito ang siyang ipinag-utos ni PSC chairman Harry Angping ukol sa pagdadala ng service firearms ng mga enlisted personnel ng militar at pulisya na miyembro ng national team.
Ayon kay Angping, simula ngayon ay kailangan nang ideposito ng naturang mga atleta ang kanilang mga baril sa security guard bago makapasok sa mga sports venues ng PSC.
- Latest
- Trending