Mukha ni misis ginawang punching bag ni mister
MANILA, Philippines - Mistulang nagkulay talong ang mukha at katawan ng isang 41-anyos na ginang matapos na ga wing punching bag ng kanyang mister nang walang maibigay na pera ang una sa huli kahapon ng tanghali sa Caloocan City.
Luhaang dumulog sa tanggapan ng Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Caloocan City Police ang biktimang si Rosa Bucao, manikurista at residente ng NPC Area B, Talipapa, Brgy. 164 ng nabanggit na lungsod.
Inirekomenda naman ng Caloocan City Prosecutor’s Office ang suspek na si Rodrigo Bucao, 38, welder na makapaglagak ng halagang P5,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Sa pagsisiyasat ni PO1 Marcelina Pino, WCPD investigator at may hawak ng kaso, naganap ang insidente bandang alas-12 ng tanghali sa bahay ng mag-asawa sa naturang lugar.
Batay sa reklamo ng biktima, naka-inom na umuwi ng kanilang bahay ang kanyang mister at sapilitang humihingi ng pera subalit wala siyang maibigay kaya’t agad siyang sinampal kasunod pa nito ang mag-asawang suntok sa kanyang katawan.
Sinabi pa ng biktima, sinabunutan pa siya, sinuntok sa ulo, pinalo pa siya ng barbel sa ulo at hindi pa nasiyahan ang kanyang asawa ay iniuntog pa ang kanyang ulo sa matigas na ding-ding ng kanilang bahay.
Dahil sa kalbaryong dinanas agad na nagharap ng reklamo ang biktima saka dinakip ang suspect. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending