'Fraternity group' nanghoholdap
MANILA, Philippines - Iniutos kahapon ni Manila Mayor Alfredo S. Lim na walisin ang mga nagpapanggap na fraternity group sa bisinidad ng mga paaralan sa Maynila na gumagamit ng modus operandi para makatangay ng mga mahahalagang kagamitan ng mga estudyante.
Kasunod ito ng ulat na nakarating sa tanggapan ng alkalde hinggil sa reklamo ng ilang college students na natangayan ng mga cellphone, wallet, bag at kagamitan ng sampung di umano’y nagpapanggap na mga miyembro ng isang fraternity group, sa Intramuros, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Sa blotter ng Manila City Hall-Special Police Unit, nabiktima ng hindi pa natutukoy na mga suspect sina Timothy Gatan, 18, 2nd year student sa Mapua Institute of Technology (MIT); John Argon Limlauco,18, 2nd year student ng MIT; at Irwin Cabrera, 24, ng Fairview, QC.
Sa reklamo ni Gatan kay PO3 James Poso, alas-5:30 ng hapon nang lapitan siya ng dalawa sa mga suspect habang nag lalakad sa kahabaan ng Intramuros Golf Course at pilit na pina aako na may binastos siyang babae na kamiyembro umano ng fraternity ng mga suspect.
Pinilit umano siyang patunayan na wala siyang kasalanan kaya dinala siya sa mga kagrupo ng mga suspect upang kilalanin umano kung siya ang nambastos subalit pinaiwan umano sa iba pang suspect ang lahat ng kanyang gamit.
“Sumama ako, pero pinaiwan nila iyong bag ko cellphone at wallet at pagbalik ko wala na iyong mga gamit ko at ’di ko na sila nakita,” ani Gatan.
Lingid sa kaalaman ni Gatan, ganun din ang ginawa sa dalawa pang biktimang sina Limlauco at Cabrera ng iba pang kasamahan ng nagpapanggap na fraternity group gamit din ang naturang modus.
“Wala kaming magawa kasi marami sila, natakot kami, baka gawan nila kami ng masama kaya umalis na lang kami na hindi na namin nakita ang kumuha ng mga gamit namin,” dagdag pa ni Gatan.
Nang ipakita sa mga biktima ang photo gallery ng mga criminal, nadiskubre na isa sa mga suspect ang naroroon sa larawan sa rekord ng mga kriminal. Sinabi naman ni PO3 Poso na nakunan nila ng larawan ang isa dahil nahuli na ito nila sa holdap. “Nahuli na namin ito may ilang beses na, pinakahuli yung sa loob ng SM, may hinoldap na babae,” ani Poso.
Ayon kay Lim, hindi dapat na ang mga suspect ay nasa sa lugar ng mga paaralan o saan man sa lungsod kaya’t dapat silang arestuhin at kasuhan. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending