Mister nawalan ng trabaho, nag-suicide

MANILA, Philippines - Nagpakamatay sa pa­mamagitan nang pag­baril sa ulo ang isang 41-anyos na mister dahil hindi nito makayanan na mawalan siya ng trabaho kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Caloocan.

Nakilala ang nasawi na si Leo Conde ng Block 3E, Lot 16, Phase 3E1, Paros Alley Street, Ka­unlaran Village, Da­gat-Dagatan, Brgy. 14 ng na­banggit na lungsod.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Roland Mendoza, may hawak ng kaso, sa pagitan ng alas-7 hang­gang alas-7:20 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ng biktima na duguang nakahandusay sa sahig ng inuupahan nitong kuwarto sa natu­rang lugar.

Ayon sa pahayag ni Marissa Angeles, paulit-ulit siyang kumakatok sa pintuan ng kanilang ku­warto subalit walang sumasagot kaya agad siyang humingi ng tulong sa mga barangay tanod sa kanilang lugar.

Sapilitang binuksan ng mga tanod ang pin­tuan ng kuwarto hang­gang sa makita nila ang bangkay ng biktima na duguan at may isang tama ng bala   sa kanang sentido.

Natagpuan sa tabi ng bangkay ang ginamit na kalibre .45 baril, isang ma­gazine na may la­mang apat na live ammos, isang spent shell ng nabanggit na kalibre at isang de­formed fired bullet.

Ayon pa sa kinaka­sama ng biktima, mag­mula umano na mawa­lan ng trabaho ang kanyang live-in-partner ay laging balisa at para­ting naka­titig sa langit na may malalim na iniisip. 

Sa kasalukuyan ay patuloy na nagsasa­gawa ng masusing im­besti­gasyon ang pulisya para matukoy kung talagang nagbaril ang biktima o may naganap na foul play sa insidente.

Show comments