P.50 rollback sa pasahe sa jeep, tuloy sa Lunes
MANILA, Philippines - Inanunsiyo ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Alberto Suansing na kasado na sa Lunes, Pebrero 23 ang rollback na 50 sentimong pasahe sa mga pampasaherong jeep.
Ani Suansing, tuloy na tuloy na ang 50 sentimo bawas pasahe sa kasalukuyang P7.50 minimum fare. Mangangahulugan na P7.00 na lamang ang minimum fare sa jeep sa Metro Manila, Region 3 at 4.
Nagkaharap-harap na rin sa LTFRB ang mga transport leader sa jeepney sector tulad nina Fejodap President Zeny Maranan, 1-utak President Boy Vargas, 1-Utak spokesman Orlando Marquez, Piston Secretary General George San Mateo at dito pormal din nilang inihayag na sa Lunes lahat ng miyembro nilang driver ay magbabawas ng 50 cents sa minimum na pasahe sa jeep.
Ang pasahe naman sa pampasaherong bus sa Metro Manila at mga lalawigan ay nanatili pa ring walang pagbabago.
Sa taxi naman ay wala pang itinakdang araw para sa gagawing public hearing kung ibabalik ang P10 add on na dagdag singil sa kabuuang pasahe sa mga taxi. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending