MANILA, Philippines – Nadiskubre ang matagal nang operasyon ng isang sindikato na humihingi ng bayad sa mga mayayamang inmates para mabigyan ng “VIP treatment” matapos magsagawa ng “greyhound operations”.
Nasa apat na refrigerators, higit sa 10 telebisyon at iba’t ibang uri ng electronic appliances ang nakumpiska ng QC Jail sa naturang operasyon na ginagamit ng mga mayayamang bilanggo sa kanilang selda.
Sinabi ni QC Jail warden Supt. Nestor Velasquez na malaking halaga ng pera na ipinambabayad sa electric bill ang nasasayang dahil sa naturang mga appliances na dapat sana ay magagamit pa sa isang programa sa pagsasaayos ng kundisyon ng serbisyo sa mga bilanggo.
Nangako si Velasquez na kanya nang puputulin ang koneksyon ng mga “inmate-jail personnel” upang maputol ang pagbibigay ng espesyal na trato sa mga bilanggong kayang magbayad.
Sinabi pa nito na matagal nang nangyayari hindi lang sa Quezon City Jail ang naturang iligal na gawain kung saan kumikita ng malaki ang mga scalawag na opisyales at tauhan ng BJMP sa paniningil sa mga mayayamang bilanggo para magpalusot ng mga appliances at malayang magamit ang mga ito sa loob ng kanilang mga selda.
Bukod dito, ilan pang posibleng ipinapasok para sa mga VIP na bilanggo ang mga babaeng bayaran, at maaaring iligal na droga. Matatandaan na tinukoy rin ni Dangerous Drugs Board Chairman Vicente Sotto III ang QC Jail na tuloy pa rin ang operasyon ng mga drug lords sa kabila ng pagkakakulong ng mga ito. (Danilo Garcia)