MANILA, Philippines - Patay ang isang ginang sanhi nang pagkabasag ng bungo makaraang iuntog sa pader ng kanyang live-in partner kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Nakilala ang nasawi na si Virginia Ofemia, 41, ng Pateros Street, Maypajo ng nabanggit na lungsod .
Kasalukuyan namang nakakulong ngayon sa detention cell ng Caloocan City Police ang suspect na si Jhonnie Cuyugan, 41, jeepney driver, kinakasama ng nasawi.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng gabi sa loob ng tinutuluyang bahay ng biktima sa naturang lugar.
Mismong ang suspect pa umano ang nagsugod sa ginang sa pagamutan at base sa pahayag nito ay uminom umano ng lason pero patay na nang idating ito.
Naghinala naman ang mga kaanak ng nasawi na hindi naglason ang ginang, kung kaya’t ng ipasuri ang bangkay nito sa SOCO at base sa post mortem examination na isinagawa, nabatid na si Ofemia ay namatay dahil sa intracerebral hemmorage secondary to blunt traumatic injury sa ulo.
Nang dakpin ang suspek ng mga pulis sa isang follow-up operation, inamin nito na nabagok ang ulo ng ginang matapos niyang iuntog ang ulo sa pader.
Nabatid na nairita ang suspek sa biktima dahil sa pagiging bungangera nito at ang kanilang pinag-aawayan ay may kaugnayan sa pera. (Lordeth Bonilla)