MANILA, Philippines - Nagimbal ang mga motorista na bumibiyahe sa ilalim ng Ortigas Flyover makaraang bumitin sa ere ang kalahati ng 14-wheeler truck na may kargang buhangin dulot ng pagkawala nito ng kontrol habang binabagtas ang ibabaw ng nasabing kalsada sa lungsod ng Pasig kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente ganap na alas-10 ng gabi habang binabagtas ng nasabing truck na minamaneho ni Alex Dulabot ang lugar. Pagsapit sa paitaas na bahagi ng nasabing flyover ay bilang tumirik ang sasakyan nito sanhi upang umatras ito paibaba. Sa pag-atras ng truck, tinamaan nito ang steel railings hanggang tuluyang mabasag ang sementong pinagpapatungan nito at mahulog ang huling gulong nito sa kalsada.
Bukod sa semento at railings, bumagsak din ang poste ng ilaw ng flyover kung kaya nagdulot ito ng takot sa mga motorista lalo na nang makita ang kalahati ng truck ay nakabitin sa itaas nito.
Nagkorteng numero siyete ang truck kung kaya nahirapan ang mga awtoridad na agad na maialis sa pagkakabalagbag na tumagal nang halos isang oras.
Ayon kay Dulabot, nagloko umano ang transmission ng kanyang truck kung kaya hindi niya ito naiahon lalo na nang magsimulang umatras ito. (Ricky Tulipat)