MANILA, Philippines - Reclusion perpetua ang hatol ng Marikina Regional Trial Court sa tatlong kalalakihan na sangkot sa kasong kidnap for ransom sa isang negosyanteng Tsinoy at sekretarya nito 11 taon na ang nakakalipas.
Base sa 51 pahinang desisyong ipinalabas ni Judge Felix Reyes, MTRC branch 272, napatunayang nagkasala sa kasong pagdukot ang mga akusadong sina Roberto Lara, Roderick Licayan at Rogelio de los Reyes at nahatulan ng reclusion perpetua o may katumbas na 30-40 taong pagkakabilanggo.
Bukod dito, pinagbabayad din ng korte ang mga akusado ng tig-P50,000 sa mga biktimang sina Joseph Tomas Co at sekretaryang si Linda Manaysay na dinukot noong Agosto 10, 1998 sa may Sampaloc, Manila at dinala sa Brgy. Parang Marikina City.
Humingi ang mga dumukot ng P10-million ransom, ngunit nabigo ang mga ito matapos tumangging magbigay ang mga kaanak ng mga biktima.
Ayon sa rekord ng korte, sina Lara at Licayan ay nauna nang hinatulan ng korte noong 1998 ng death penalty, ngunit umapela ang public attorney’s office (PAO)sa pangunguna ni Atty. Persida Acosta sa Korte Suprema.
Taong 2004 ay napagbigyan ng Korte Suprema ang kahilingan ng PAO at iniutos na ibalik ang pagdinig sa Marikina RTC makaraang maaresto si Delos Reyes na nagpapatunay na wala umanong kinalaman ang dalawa sa nasabing pagdukot. Subalit, makaraan ang masusing pagsusuri ng hukuman, muling napatunayang nagkasala ang nasabing mga akusado kung kaya naibaba ang nasabing hatol.
Patuloy naman ang pagtanggi ng mga akusado sa nasabing pagdukot dahil wala daw silang kasalanan kaugnay dito.
Samantala, ang PAO naman na nag-aakalang mapapalaya nila ang dalawa ay aapela naman sa Court of Appeals, pero masaya na rin daw sila dahil hindi bitay ang naging hatol sa mga ito.
Naninindigan ang PAO na inosente ang akusado kung kaya kailangang mapalaya ang mga ito. (Ricky Tulipat)