2 patay sa karambola ng 3 sasakyan
Dalawa ang patay, isa rito ay Korean national, samantalang halos 19 naman ang nasugatan matapos magkarambola ang tatlong sasakyan sa ibabaw ng C-5 Flyover sa kasagsagan ng pagbuhos ng ulan sa lungsod ng Pasig, kahapon ng madaling-araw.
Sa inisyal na ulat ng Bureau of Traffic Management unit ng Pasig City Police, nakilala ang nasawi na sina Sun Jin Doo, 24, ang Koreanong nagmamaneho ng puting Ford Expedition; at Antonia Ballestra, 55, na pasahero naman sa isang pampasaherong jeepney.
Samantala, ang mga sugatang biktima kabilang ang sakay ng jeepney ay isinugod sa magkakahiwalay na ospital matapos ang insidente. Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa may north-bound lane ng C-5 Flyover sa Bagong Ilog Pasig ganap na alas-2 ng madaling-araw.
Sakay sa Ford Expidition (XNE-115) si Doo at tinatahak ang naturang lugar patungong Makati City nang bigla itong mag-counterflow sa south-bound lane at salpukin naman ang paparating na pampasaherong jeepney (DVR-711)na minamaneho naman ng isang Noel Ballestra. Kabuntot naman ng huli ang isang Mitsubishi L-300 van (XME-649) na minamaneho ng isang Joel Castro kung kaya lalong nagpa-igting ng banggaan.
Dead-on-the-spot ang Koreano, habang dead-on-arrival naman sa ospital ang sakay ng jeepney na si Ballestra, habang mabilis namang isinugod sa magkahiwalay na ospital ang iba pang mga sugatang biktima. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending