Tatlong pinaniniwalaang mga holdaper ang bumulagta makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ng Quezon City police sa may Banawe sa Quezon City kahapon ng tanghali.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pangalan ng mga nasawing suspect na sakay sa isang puting taxi na may plakang TYD-919 habang inaalam rin kung anong grupo kabilang ang mga ito.
Dalawa namang kasamahan ng mga nasawi ang nagawang makatakas sa iba’t ibang direksyon habang isang bystander naman ang sugatan makaraang tamaan ng ligaw na bala at isinugod sa National Orthopedic Hospital.
Sinabi ni QCPD Director, Chief Supt. Magtanggol Gatdula, naganap ang engkuwentro dakong alas-12:30 ng tanghali sa kanto ng Simayon at Matuto street, Banawe, ng naturang lungsod. Nabatid na isang “concerned citizen” umano ang tumawag sa District Tactical Operations Center (DTOC) at isinumbong ang kahina-hinalang pag-iikot ng mga suspek sakay ng naturang taxi sa naturang residential area sa lugar.
Agad namang rumesponde ang mga miyembro ng Special Weapons and Tactics Unit (SWAT), District Mobile Group at Anti-Carnapping Unit sa lugar kung saan sinalubong umano ng putok ang mga ito ng mga suspek.
“Nang dumating yung mga SWAT natin, inunahan na silang putukan kaya napilitang gumanti ang mga pulis natin. May target hardening kasi tayo sa area ng Banawe at Araneta Avenue dahil sa maraming mga banko dito kaya mabilis ang responde ng ating mga pulis,” ayon kay Gatdula.
Tadtad naman ng tama ng bala ang Nissan Urvan na sinasakyan ng mga miyembro ng SWAT ngunit masuwerte na walang tinamaan sa mga pulis. Narekober sa mga suspek ang ilang kalibre .45 baril, ang taxi na gamit ng mga ito at isang motorsiklo.
Sinabi pa ni Gatdula na hindi tugma ang nakakabit na plaka sa naturang taxi matapos na beripikahin sa Land Transportation Office.