MANILA, Philippines - Isang 37-anyos na tricycle driver ang kinuyog sa saksak ng walo katao matapos mapagkamalang kabilang siya sa kalabang grupo ng mga ito habang hinahanap niya ang kanyang anak sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa Metropolitan Hospital ang biktimang si Rodrigo Maturino, may-asawa, residente ng Bambang St., Tondo dahil sa tinamong mga saksak sa katawan.
Inginungusong mga suspek ang walong kalalakihan na ang isa ay nakilala sa alyas na “Nognog”; Jeffrey; Carlo; Henry Pangilinan alyas “Tutong”; Jayson; Ilong; Jomar; at Sandy Bartolome na nagsitakas matapos ang insidente.
Sa ulat ni Det. David Tuazon ng Manila Police District-Homicide Section, dakong 2:10 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Bambang St., Tondo.
Nagkaroon ng rambulan sa lugar na kinasangkutan ng mga suspek. Nagkataong lumabas ng kanyang bahay nang mga oras na iyon ang biktima upang hanapin at pauwiin ang kaniyang anak na si Rodrigo Jr.,17, subalit sinalubong siya ng mga suspek at pinagtulungang saksakin.
Ayon sa imbestigador, napagkamalang kasama ng kalabang grupo ang biktima kaya siya hinabol nang makita at pinagtulungan.
Mga residente ang sumaklolo at nagtulung-tulong na isugod sa ospital ang biktima. (Ludy Bermudo)