MANILA, Philippines - Hindi na nagawang makapalag pa ng isang ginang nang damputin ito ng empleyado ng isang convenience store matapos na maispatang nag nanakaw ng ilang piraso ng broth cubes sa lungsod ng Marikina kamakalawa.
Ayon kay Marikina City Police Investigation and Detective Management Section Chief C/Insp. Earl Castillo, ang suspek ay kinilalang si Marlyn de Guzman, 49, may-asawa ng Teresa St., Cubao Quezon City.
Si de Guzman ay ipiniit sa himpilan ng pulisya matapos na dalhin ng nakaarestong si Efrain Elevada, empleyado ng Easy Mart General Merchandised sa Sumulong Highway, Sto. Niño, sa lungsod.
Ayon sa ulat, nagpunta ang suspek sa nasabing tindahan at nagkunwaring kustomer kung saan kumuha ito ng ibang mga items. Pagsapit umano sa hilera ng mga panghalo sa pagkain, pasimpleng dumampot ang suspek ng ilang piraso ng broth cubes at itinago sa kanyang palda. Pero nahuli siya ni Elevada. (Ricky Tulipat)